ANG MGA MAKAKATING DILA.
(O Tao! Ano ang nagligaw sa iyo, sa iyong Panginoon?)
ا لغفارة في ا لإسلام
Isinulat Ni:
Eisa "Rene" Saturno Batallones
إعداد: عيسى بتا ليونس
Araw ng Panayam
February 13, 2006
Kasawian (sa kaparusahan) ang bawat makakating dila na naninirang – puri at yumuyurak ng talikuran. Na nagtitipon ng mga kayamanan, at abalang-abala sa pagbibilang nito. Na nagpapalagay na ang kanyang kayamanan ay nakapagpapahaba ng kanyang buhay nang walang hanggan. Hindi (ito tulad ng kanyang pag-aakala)! Katotohanang siya ay ihahagis sa Dumudurog na Apoy. At paano mo mapag-aalam kung ano ang Dumudurog na Apoy? Ito ang Apoy ni Allah na Naglalagablab ang Ningas na ang init nito ay sasadlak sa puso. Katotohanang ito ang lulukob sa kanila. (Na sila ay nakatali) sa mga mahabang haligi ng Impiyerno. (Al Humazah 104: 1-9)
Waylul-likuli humazatil-lumazah, Allazee jama'a maalan wa 'addadah, Yahsabu 'anna maalahooo 'akhladah, Kallaa layumbazanna fil-hutamah, Wa maaa 'adraaka mal-hutamah, Naarul-laahil-mooqadah, Allatee tattali'u 'alal-af'idah, 'Innahaa 'alayhim mu'sadah, Fee 'amadim-mumaddadah. Kasawian (sa kaparusahan) ang bawat makakating dila na naninirang – puri at yumuyurak sa talikuran. Na nagtitipon ng mga kayamanan, at abalang-abala sa pagbibilang nito. Na nagpapalagay na ang kanyang kayamanan ay makapagpapahaba ng kanyang buhay nang walang hanggan. Hindi (ito tulad ng kanyang pag-aakala)! Katotohanang siya ay ihahagis sa Dumudurog na Apoy. At paano mo mapag-aalam kung ano ang Dumudurog na Apoy? Ito ang Apoy ni Allah na Naglalagablab ang Ningas Na ang init nito ay sasadlak sa puso. Katotohanang ito ang lulukob sa kanila. (Na sila ay nakatali) sa mga mahabang haligi ng Impiyerno.
Ang papuri ay kay Allah lamang ang Panginoon ng alamin ako ay sumasaksi na walang ibang Diyos na dapat sambahin liban sa Kanya at ako ay sumasaksi na si Muhammad ang huling sugo. Hinihiling ko ang gabay Niya na patnubayan nawa niya tayo na tumatahak sa tamang landas.
Katakutan si Allah na nagbibigay ng kaparusahan sa sinumang lumilihis sa kanyang mga kautusan at nagmamalabis sa hangganang Kanyang ibinatas na tanging ang Kanyang mga kautusan lamang ang dapat na sundin ng may pagkatakot.
Waylul-likuli humazatil-lumazah. Kasawian (sa kaparusahan) ang bawat makakating dila na naninirang – puri at yumuyurak sa talikuran
Si Allah, ang Pinakadakila at Pinakamaluwalhati ay naggagawad ng pinakamasamang kaparusahang naisin Niya sa mga taong nagkakalat ng pangit na salita laban sa mga inosenteng tao sa pamamagitan ng paninirang puri. Ang mga taong ito na karaniwang gumagawa ng paninirang puri sa talikuran ay kasuklam-suklam kay Allah na Kanyang isinusumpa ang mga taong gumagawa nito maging dito sa mundo at gayon din sa kabilang buhay.
Mariing tinututulan sa relihiyong Islam ang paninirang puri at isinalaysay ni Abu Hurayrah minsan ng ang Propeta Muhammad (SAS) ay magtanong sa mga sahaba, "Alam nyo ba kung ano ang paninirang puri o yaong tinatawag sa wikang Arabe ng (Gheebah)?" At sila ay sumagot, "Si Allah at ang Kanyang Sugo ang higit na nakakaalam" At kanyang sinabi, "Ito ay ang pagsasabi sa kanyang kapatid ng mga bagay na hindi kaibig-ibig para sa kanya." At ang isa sa mga ito ay nagtanong, "Papaano kung ang aking sinasabi hinggil sa aking kapatid ay totoo?" At sumagot ang Propeta (SAS), "Kung ang sinabi mo sa kanya ay totoo siya ay sinaraan mo ng talikuran at kung ito ay hindi totoo ikaw ay nanirang puri sa kanya." (Tinipon ni Muslim (Sahih Muslim - English Translation) Vol. 4, p 1369, no.6265)
At inihawig ni Allah ang paninirang puri na parang kinakain mo ang laman ng inyong kapatid pagkatapos na siya ay mamatay. At ito ay sinusugan sa banal na Qur'an na nasusulat sa Surah al-Hujarat 49:12.
'ayuhibbu ahadukum 'an ya'kula lahma 'akheehi maytan fakarihtumooh; Mayroon bang isa sa inyo ang ibig na kumain ng laman ng patay niyang kapatid? Tunay ngang kasusuklaman ninyo ito.
Ginawang ihambing ni Allah ito upang ipakita Niya sa atin ang nakatatakot sakaling tayo ay makagawa ng paninirang puri sa kapatid nating Muslim. Bilang isang tunay na mananampalataya, dapat niyang kamuhian ang paninirang puri kung papaano kasuka-suka ang pagkain ng laman ng kanyang kapatid na patay.
Karamihan sa atin sa panahong ito ay pilit na ipinangangalandakan at pinakikialaman ang buhay ng may buhay. Pinag-uusapan kung ano ang pangit na ugali ng kanyang kapatid at humahanap ng mga taong pagsasabihin upang sirain ito sa karamihan. Isang matinding babala ang inihatag ni Allah sa mga taong ito na nagkakalat at naghahatid humapit.
Kung kaya ito ay isang paalala sa akin at ganoon din sa inyo na baka tayo ay bitag ng ganitong uri ng pagkakasala at isa lamang ang tanging natutuwa at ito ay si Shaytan ang isinumpa.
May mga taong nagsasabing sila ay hindi gumagawa ng ganitong uri ng kasalanan subalit sila ay isa sa mga taong nahuhulog sa bitag sa pakikinig sa mga taong naninirang puri.
Ito ay isang kasalanan kung kaya't marapat niya itong paalalahanan at pigilang huminto sa pagsasabi ng mga bagay laban sa kapatid na Muslim kung hindi man kayang sawatain ay dagliang layuan ang taong ito.
At ang pinakagrabe sa paninirang puri ay ang siraan si Allah hinggil sa pakakaroon niya ng anak na lalaki at ang sabihing Siya ay isa na kabahagi ng tatlong persona. At ang pinakamasama na si Allah ay hindi diyos o yong tinatawag sa ingles na "non existing".
Para sa kanila ang Diyos ay isang pamahiin lamang na ang mga naunang tao ay ipinangaral ito sa kanilang nasasakupan subalit sila ay walang alam at hindi nila nauunawaan ang hinggil dito.
Magkaganoon man, ayon sa kanila, ang relihiyon ay isang panlilinlang lamang at ang mga propeta ay pawang mga huwad at hindi totoo. Sila ay nagsisinungaling hinggil kay Allah, sa Kanyang mga Propeta, sa Kayang mga Aklat at sa Kanyang Relihiyon. Ito ang pinaka seryosong uri ng paninirang puri sapagkat ikinakaila nito ang katotohanang sa ating kalikhaan.
Nilikha ni Allah ang tao upang Siya ay sambahin lamang, kung kaya, ang hindi maniwala sa Kanya at sabihing Siya ay hindi totoo ay ang pinakamalaking krimen o kasalanang magagawa ng tao. Kung kaya sinabi ni Allah na Kanyang patatawarin ang lahat ng kasalanan maliban sa SHIRK.
Allazee jama'a maalan wa 'addadah. Na nagtitipon ng mga kayamanan, at abalang-abala sa pagbibilang nito.
Sapagkat si Allah at ang relihiyon ay walang saysay sa mga naninirang puri, ang buhay ay nagiging walang kabuluhan kagaya ng hayop na namamalagi dito sa mundo.
Para sa kanila ang buhay sa mundo ay walang layon at walang saysay, kung kaya ang pinaka-importante sa mga taong ito ay ang magsaya at magaliw.
Talamak sa kanilang sarili ang mag-tsismis, kagaya ng mga tao sa telebisyon na pinag-uusapan nila ang buhay ng may buhay. Maligaya sila na magkahiwalay ang mag-asawa kaya, ang may matinong buhay ay may kaligayahang makita nilang nagdurusa ng dahil sa paninirang puri.
Huwag na tayong lumayo pa marami sa atin dito ang may ganitong karamdaman na hindi niya alam ang kaparusahang naghihintay sa kanya sa oras na siya ay naghahatid humapit o naninirang puri o pinag-uusapan ang kapatid niyang Muslim.
Totoo man ang kanyang sinasabi hinggil sa kapatid niyang Muslim na hindi niya kaharap habang siya ay pinag-uusapan hinggil sa pangit niyang katauhan ang taong ito ay nagkakasala sa mata ni Allah, kaya mga kapatid kong Muslim katakutan ang parusang naghihintay sa atin sakaling makagawa tayo ng ganitong uri ng kasalanan. Darating tayo sa hulihan ng lecture na ito kung anong uri ng kaparusahan ang naghihintay sa atin sakaling hindi tayo tumigil sa sakit na ito.
Ang isang taong nagpapasarap sa kanyang sarili ay kinakailangan na nagtataglay ng malaking halaga o kayamanan. Kung kaya ang isang maninirang puri ay ginugugol ang kanyang oras na sikaping magkamal ng maraming kayaman sa abot nang kanyang makakaya kahit sa anumang paraan. Ginugugol niya ang mga oras sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay at dinadagdagan niya ang kanyang oras upang walang masayang dito at maging sigurado siya na palagian itong nadadagdagan.
Ang mga taong ito na bulag sa katotohanan ay masaya sa kanilang ginagawa na gawing katawatawa ang mga taong kapos palad kumpara sa kanya – yaong may mga kapansanan ay kanilang pinagtatawanan, kinukutya o di kaya ay nilalait ng harapharapan o ng talikuran.
Ang iba pang halimbawa nito ay ang pagtawanan ang pagkakamali ng iba, ang dustain ang taong kapos sa kaalaman. Nakakalungkot isipin mga kapatid ko sa Islam, sapagkat isa lamang ito sa mga makakapinsala sa ating sarili at hindi ito dapat taglayin ng isang tunay na Muslim kung talagang siya ay may takot kay Allah .
May mga tao na inaakala niyang siya ay mas mahusay pa kaysa sa ibang tao. Siya na nagtataglay ng malaking kayamanan, sa katotohanang ang kayamang ito ay isa lamang pagsubok ni Allah ay hindi man lamang sumagi sa kanyang isipan na ito ay nagmula kay Allah at pansamantalang mamamalagi sa kanyang kamay at maaaring mawala kung gugustuhin ni Allah sa anumang oras. Sa puntong ito, ang kanyang kayaman ay isa lamang bahagi o resulta ng kanyang pagsisikhay na makamit ito o di kaya ay isang biyaya ni Allah.
Kung kanyang ibibigay ang alin man sa kanyang kayamanan sa sinuman na hindi kabahagi ng kanyang pamilya, ito ay lumalabas na binibili niya ang isang kaibigan o upang makontrol ang kanyang mga kaaway. Hindi niya iisipin na magbigay ng kawanggawa sapagkat mas marami pa siyang pangangailangan, sa ganito ay lalong lumalago ang kanyang kayamanan.
Yahsabu 'anna maalahooo 'akhladah, Na nagpapalagay na ang kanyang kayamanan ay makapagpapahaba ng kanyang buhay nang walang hanggan.
Ang isang tao na naninirang puri laban kay Allah, ang kanyang buhay dito sa mundo ay nakagapos sa makamundong buhay na ninanis niya na hindi siya dagliang mamatay at kanyang hinihiling na humaba pa ang kanyang buhay dito sa mundo. Lagi niyang iniisip na ang kanyang kayamanan ang magpapanatili sa kanya na mapapahaba pa nito ang kanyang buhay.
Kung kaya, ang isang ubod yamang tao ay namamahagi ng hindi mabilang na milyong pera sa mga taong nagsasaliksik ng kaalaman sa pinakamabisang pang – sayantipikong paraan upang mapalawig o mapanatili ang kabataan na magamot nito ang katandaan.
Magpahanggang ngayon ay may mga taong naniniwala na sila ay makakatuklas ng mabisang gamot upang labanan ang kamatayan (nagkakamali sila mga kapatid ko sa islam) Ang ilan sa mga mayayamang tao ay gumugugol ng napakalaking halaga upang ilagak ang kanilang katawan sa yelo - gawing frozen - sakaling sila ay mamatay (kagaya ni Marcos).
Ang kanilang katawan ay inilalagak ng napakahabang panahon sa isang ataol na naka freeze sapagkat sila ay umaasa na matutuklasan nila ang gamot sa kamatayan at sakaling dumating ito ang kanilang bangkay ay aahunin dito upang bigyang buhay muli. Ang mga tao sa Ehipto sa naunang kapanahunan ay may ganitong paniniwala.
Si Paraon at mga mayayamang angkan ng kanyang kapanahunan ay ginawang i-preserved ang kanilang katawan at nalibing sila na kasama ang kanilang kayamanan sa paniniwalang ang kanilang buhay ay magbabalik na muli. Subalit ang kanilang libingan ay ginawang pagnakawan at ang kanilang mga labi ay inilagay sa mga museo sa maraming panig ng mundo. Kaya ang kanilang kaluluwa sa kabilang buhay ay hindi natatamik sapagkat patuloy nilang nilalasap ang kaparusahang iginawad ni Allah.
Nagwika si Propeta sa kanyang mga sahaba na walang maaaring lunas sa katandaan o walang gamot sa katandaan.
Si Usaamah ibn Shurayk ay nag-ulat na ang Sugo ni Allah ay nagsabi, "Ang alipin ni Allah, ay ginawang gamutin ang mga sakit. Katotohanan si Allah, Luwalhatiin Siya, ay hindi nagpadala ng sakit ng walang kagalingan maliban sa katandaan. (Collected by Tirmidheee, Abu Dawood (Sunnan Abu Dawood (English Translation) vol. 3 p. 1083, no. 3846), Ibn Maajah and Ahmad, and rated Saheeh in Saheeh Sunan Abee Daawood, vol. 2, p. 731, no 3264)
Nang dahil dito ang mga Muslim ay hindi nag-aaksaya ng panahon na gugulan ng pansin o pananaliksik upang makatuklas ng gamot sa kamatayan. Sa kabilang banda si Satanas ay ginawang linlangin si Adan na sumuway sa Diyos sa pangakong siya ay bibigyan nito ng Buhay na walang hanggan. Ipinabatid sa atin ni Allah ang pangyayaring ito upang tayo ay hindi maligaw ng landas. Winika ni Allah sa banal na Qur'an; (Sura al-Araf 7:20)
Fawaswasa lahumash-Shaytaanu liyubdiya lahumaa maa wooriya 'anhumaa min saw'aatihimaa wa qaala maa nahaakumaa Rabbukumaa 'an haazihish-shajarati 'illaaa 'an takoonaa minal-khalideen. At si Satanas ay bumulong sa kanilang dalawa (na sila ay kumain ng bunga ng puno na ipinagbabawal sa kanila) upang (kung sila ay magkasala ay) malantad sa kanila ang sa kanila ay nakalingid na maselang bahagi (ng kanilang katawan noon); siya ay nagsabi: "Ang inyong Panginoon ay hindi nagbawal sa inyo (na kumain ng bunga) ng punong kahoy na ito, maliban sa kadahilanang) baka kayo ay maging anghel o kaya ay maging walang kamatayan."
Papaano ba natin makikilala si Satanas sa panahong ito na ang politismo ay laganap at ang pagsamba sa mga diyu-diyosan ay nagbalik na muli pagkatapos wasakin ng mga Sugo at Propeta ang daang libong diyus-diyosan,
Si Satanas ay isang nilikhang mapagmataas, hambog, mayabang, suwail, ganid, mapaglinlang, tuso, palalo, mapang-akit ang kanyang pananalita na himukin ang isang taong nasa tamang landas na gumawa ng mga kamalian na lihis sa katuruan ng Islam. Siya ay bumubulong sa mga taong may malakas na eeman na lumihis sa mga kautusan o himukin ang tao na gumawa ng karumaldumal na kasalanan sa mata ni Allah.
At kung ang isang tao ay bago pa lamang pinalalakas ang kanyang eeman si Satanas ay dagliang kumikilos upang iligaw at lituhin ang isipan ng taong kayayakap pa lang sa pananampalatayang Islam. Sinisila niya at sinasaklot sa pangamba ang bawat puso ng kababago palamang pasok sa Islam.
Kaya paki-usap ko sa ating mga kapatid na lakasan ninyo ang dalangin kay Allah na huwag tayong maakit ni Satanas at huwag mahulog sa kanyang patibong, sapagkat sa Araw na Yaon na tayo ay ibabangong muli ay wala siyang magagawa (si Satanas) bagkos tayo ay kanyang itatakwil at sasabihin niyang inimbitahan lamang kita… bakit ka nagpaunlak.
Kallaa layumbazanna fil-hutamah, Hindi (ito tulad ng kanyang pag-aakala)! Katotohanang siya ay ihahagis sa Dumudurog na Apoy.
At sinabi ni Allah sa mga taong ito na sila ay hindi mabubuhay magpasawalang hanggan. Ang lahat ng mga bagay dito sa mundo ay may hangganan at pawang may kamatayan at wala ni isa sa mga ito ang magbabalik o mabubuhay na muli dito sa mundo. Ito ang batas na ipinatupad ni Allah at wala ni isa ang makababali nito. At ito ay binigyang susog sa isa pang pagpapahayag sa banal na Qur'an;
Kullu nafsin zaaa'iqatul mawt; "Ang lahat ng kaluluwa ay makatitikim ng kamatayan. (Sura al-'Imran 3:185)
At gayundin ito ay binanggit sa isa pang pagpapahayag sa banal na Qur'an;
Innahaa kalimatun huwa qaaa'iluhaa wa min waraaa'ihim barzakun 'ilaa Yawmi yub'asoon. At may (hadlang sa kanilang pagbabalik sa mundo, ang buhay sa) Barzakh (ang buhay matapos ang kamatayan), hanggang sa araw na sila ay muling ibabangon. (Al Mu'minun 23:100)
Sa halip na manumbalik ang kanilang buhay dito sa mundo at magtamasa ng ibayong kasiyahan o ang magliwaliw sa mundo, sila ay itatapon sa al-Hutamah. Ang al Hutamah ay lugar na ibig sabihin ay gilingan (durugan), na kung saan ang kanilang katawan at ang kanilang kaluluwa ay tuluyang malilipol. At ang kanyang mararanasan o malalasap dito ito ay kamatayan na kung saan ay pawang paghihirap at pagdurusa.
Wa maaa 'adraaka mal-hutamah. At paano mo mapag-aalam kung ano ang Dumudurog na Apoy?
Sa tanong na ito, katotohanang sinasabi ni Allah sa atin na ang al Hutamah ay hindi kayang ipaliwanag ni kayang arukin ng isipan ng isang tao. Ang kalikhaang ito ni Allah ay hindi kayang ipaliwanag ng kahit na anong imahinasyon. Na dapat na ito ay ilagan at katakutan. Walang kahalintulad nito dito sa mundo. Kahit pa ito ay ihahambing sa isang atomic bomb na mayroon lakas na dumurog o pumulbos ay hindi kayang ihambing ang al-Hutamah.
Walang isa man sa atin na may matinong pag-iisip na makakaintindi kung ano ang nais ipabatid at ipalasap doon sa al-Hutamah. Ang bersong ito ay pumupukol ng may pagkatakot sa puso ng isang mananampalataya at naghihimok sa mga ito na palagiang gumawa ng mga mabubuting bagay sa abot ng kanilang makakaya. At dapat nating paniwalaan na ang al Hutamah ay igagawad sa sinumang hindi sumunod at tumupad ng may pagkatakot kay Allah sa anumang ipinatutupad Niya.
Naarul-laahil-mooqadah. Ito ang Apoy ni Allah na Naglalagablab ang Ningas
Sa puntong ito ay tahasang sinasabi ni Allah kung ano ang ibig sabihin ng al Hutamah. Ito ay isa sa pangalan ng naglalagablab na Impiyerno. Ang pangalang ito ay tumutulong upang mabatid at malaman kung ano ang ibig sabihin nito at ang sanhi ng kaparusahang sasapitin sa Apoy ng Impiyerno o ang implikasyon nito sa tao.
Ito ay nararapat sapagkat walang paraan upang malaman natin kung ano nga ba ang Apoy ng Impiyerno. Ito ay buhay na nilikha ni Allah. Ito ay humihinga, may paningin, at nagsasalita. Ipinakita ni Allah ang Apoy ng Impiyerno sa banal na Qur'an;
Izaaa 'ulqooo feeha sami'oo lahaa shaheeqan wa hiya tafoor. At kung sila ay ihuhulog na rito, ay mapapakinggan nila ang kalagimlagim na pangangalit nito habang ito ay kumukulo at naglalagablab. Yawma naqoolu li-Jahannama halim-tala'ti wa taqoolu hal mim-mazeed. Sa araw na (ito), Aming tatanungin ang Impiyerno:, Ikaw ba ay nalagyan na nang husto? Ito ay magsasabi: "Mayroon pa bang ibang darating?" (Sura al- Mulk 67:7)
Mga kapatid ko sa Islam tila baga uhaw na uhaw ang al Hutama at naghihintay ito ng katawan at kaluluwang lalamunin nito at sasaklutin ayon sa kagustuhan ni Allah.
Nakakatakot mga kapatid, subalit tayo dito sa mundong ito ay tila baga walang sumisilay na pangamba sa ating mga puso kung kaya tayo ay hindi abala sa paggawa ng kabutihan bagkos tayo ay abala sa pagsunod sa kagustuhan ni Shaytan na malinlang niya at makasama niya doon sa al-Hutamah.
Kaya dalangin ko kay Allah na haplusin at dagdagan niya ang ating puso ng takot at talikdan ang mga gawang makapagbubulid doon sa al Hutamah.
Kung ihahambing natin ang apoy dito sa mundo ay hindi makahihigit sa apoy na nasa al- Hutamah. Ang mga apoy na ating nakikita dito sa mundo ay mga reaksyon hatid ng kemikal na masusunog pansamantala at maglalaho o mamamatay, subalit ang apoy sa Impiyerno ay panghabang buhay.
Ang lagablab ng apoy nito ay hindi namamatay at ang init nito ay sukdulan na susunog sa ating mga katawan. Ang apoy na ito na tinutukoy ni Allah ay ang Kanyang Apoy upang ipabatid niya sa atin na ito ay natatanging apoy. Ang lahat ng apoy ay pag-aari ni Allah sapagkat Siya ang lumikha nito at Siya ang nagbigay dito ng kapangyarihang pumuksa o sumunog ng anumang bagay. Subalit ang apoy sa Impyerno ay hindi matatagpuan dito sa mundo. Ito ay nilikha ni Allah na natatangi lamang para sa mga taong mahihina at walang paniniwala kay Allah para sa kabilang buhay.
Allatee tattali'u 'alal-af'idah. Na ang init nito ay sasadlak sa puso.
Ang init ng Apoy na ito ay ubod lakas na naglalagablab na hahaplos sa katawan at sasaklutin nito ang puso ng tao sapagkat ang puso ng isang tao ay isang pribadong bagay na pag-aari ni Allah. Dito ay inilalagak ang lahat ng sikreto at saloobin ng isang tao at ang lahat ng disisyon sa kanyang buhay ay dito inilalagak.
Kung kaya, ang puso ng isang tao ang tahanan ng paniniwala at di-paniniwala kay Allah. Kung kaya ang sukdulang kaparusahan na naghihintay sa mga naninirang puri kay Allah ay susugid sa bawat himaymay ng kanilang puso at hibla ng laman ng katawan. Kahit na ang kanilang kaluluwa ay itatapon sa Apoy at ito ay walang pahingang pagpaparusa.
'Innahaa 'alayhim mu'sadah, Fee 'amadim-mumaddadah. (Na sila ay nakatali) sa mga mahabang haligi ng Impiyerno. Katotohanang ito ang lulukob sa kanila.
Ang apoy ay lulukob sa kanila at isasara ang tuktok nito at mag-aanyong parang isang tubong apoy. At sila ay makukulong sa gitna nito na nakakatakot na haligi nito at sila ay kung hindi man buhay sila ay patay. At wiwikain ni Allah sa taong naroroon sa Apoy ng Impyerno (Sura Taa Haa 20:74)
Fa'inna lahoo Jahannama la yamootu feeha wa laa yahyaa. Walang pagsasala, sasakanya ang Impiyerno at dito siya ay hindi mamamatay o mabubuhay (nang mabuti).
Ya Allah tunay na nakakatakot ang al Hutamah, huwag mo pong hayaan na kami ay masadlak sa kagimbal-gimbal na lugar na ito, patawarin mo po ang aming mga sarili sakaling kami ay lumalabag sa hangganan mo.
Ya Allah dagdagan mo po ang takot sa aming mga puso patnubayan mo po kami na tahakin ang tamang landas at hindi ang landas na ginusto ni Shaytan. Tunay na Ikaw Ya Allah ang naggagawad ng lahat ng kapatawaran sakaling kami ay magkasala sa Iyo, isinusuko po namin ang aming sarili sa oras na ito, gawin mo po kaming matatakutin sa Iyo Ya Allah.
Kaya mga kapatid ko sa Islam ang oras ay matuling tumatakbo subalit ang buhay ay naiiwan na hindi natin namamalayan maaring maiwan tayo ng karamihan sa paggawa ng kabutihan, hanggang sa mapagtanto natin na ang oras ay dagliang tumigil sa pagtakbo at huli na ang lahat upang habulin ang natitirang Segundo ng buhay dito sa mundo, kailan mo ipananahan sa puso ang takot sa Nag-isang Diyos, kailan kapatid… kailan?
At ang panghuli… Ashadu annla Illaha illa anta wa astagfiruka wa tooboo ‘ilayh. Ahabbakufillah… (Minamahal ko kayo ng Dahil kay Allah [SWT]). Assalam Alaykum wa Rahmatullahi wa Barakatu.(sumainyo nawa ang kapayapaan, Awa at biyaya ng Tagapaglikha)
